LAKBAY ARAL

Ang  Malibay-Kalawakan Irrigators Association ay ang itinatag na Samahang Magpapatubig ng Bulo Dam sa San Miguel, Bulacan na ginagawang kasalukuyan. Ang pangalan ng samahan ay hango sa kani kanilang mga baranggay na pangunahing makikinabang sa bahagi ng patubi (irrigation component) ng naturang Dam.

Bagama’t may katagalan pa bago matapos ang proyekto, ang samahan ay nagkaroon ng Lakbay Aral sa pamamagitan ng NIA sa ilang mga matatagumpay at mauunlad na IA sa Zaragosa, Nueva Ecija upang makakuha o matuto ng mga pamamaraan kung paano paunlarin ang kanilang mga Samahan.

Ang grupo ay nagtungo din sa PHILMECH sa Central Luzon State University sa Munoz, Nueva Ecija at doon ay ipinakita sa kanila ang iba’t ibang mga makinarya na makakatulong upang mapaganda ang ani at mapabilis ang paraan ng pagsasaka. Gayundin, mga makinaryang gamit sa pagpopreseso ng palay, mais, sibuyas, kape at marami pang iba.

Nagtungo din ang grupo sa Baler, Aurora kung saan idinaos ang kanilang opisyal na halalan ng bagong pamunuan ng samahan sa tulong at paggabay ng mga tauhan ng NIA.

At tulad ng nangyari sa Zaragosa, matapos bisitahin ang matulaing lawa ng Disalit Creek RIS at ang tanggapan ng NIA doon, ang grupo ay bumisita sa isang Samahan ng mga Nagpapatubig na naitatag pa noong taong 1950. Sa mga kasapi ng samahan ay maraming natutunan ang MKIA na mga pamamaraan kung paano pangalagaan at paunlarin ang samahang kanilang kinabibilangan.

 

by Mary Grace P. Alarilla