AURORA-NUEVA ECIJA IMO, PATULOY SA PAGTUTOK SA MATIBAY NA PATUBIG SA DILASAG AURORA.

Patuloy na tinutukan ng Aurora-Nueva Ecija Irrigation Management Office (IMO) ang pagsisiguro ng dekalidad na imprastruktura para sa sektor ng agrikultura matapos nitong matagumpay na maisagawa ang pagsusukat ng mga bagong kongkretong kanal sa Dilaguidi Communal Irrigation System noong Pebrero 6, 2025. Ang proyekto, na matatagpuan sa Barangay Dilaguidi, Dilasag, Aurora, ay bahagi ng mas malawakang inisyatiba ng National Irrigation Administration (NIA) sa pagpapalakas ng sistema ng irigasyon sa rehiyon.

Kaugnay nito, matapos ang aktwal na pagsusukat sa Dilaguidi, agad ding sinuri ang mga naka-propose na concrete canal lining sa Manggitahan Communal Irrigation System sa Barangay Manggitahan. Ang hakbang na ito ay patunay ng masigasig na pagsisikap ng NIA na tiyakin ang epektibong pagpapatupad ng mga proyekto upang mas lalo pang mapakinabangan ng mga magsasaka.

Ang kalidad na patubig ay susi sa mas mataas na ani at masaganang produksiyon ng palay. Sa patuloy na pagsasagawa ng mga ganitong hakbang, hindi lang simpleng proyekto ang natatapos—kundi isang pangakong binibigyang-buhay para sa mga magsasaka ng Aurora. Dahil sa suporta ng NIA, nagiging posible ang mas matatag at progresibong komunidad pang-agrikultura.

#bayaNIAn sa #BagongPilipinas