BAYANIHAN PARA SA PATULOY NA PAG-AALAGA NG PATUBIG!

Isang matagumpay na bayanihan ang isinagawa ng mga empleyado ng Nayom Bayto RIS (NBRIS) ng National Irrigation Administration (NIA) upang magsagawa ng paglilinis sa irrigation canal mula sa 3+363 station hanggang 3+900 ng Bayto Main Canal noong Enero 30, 2025. Ang aktibidad na ito ay bahagi ng patuloy na pagsuporta ng NIA sa mga magsasaka, alinsunod sa Irrigation Management Transfer (IMT) Contract na nilagdaan ng NIA at mga Irrigators' Associations (IA). Sa ilalim ng kontratang ito, ang NIA at ang mga Irrigators' Associations ay nagtutulungan upang tiyakin na ang mga magsasaka ay may access sa isang maayos at epektibong sistema ng patubig.

Pinangunahan ni NBRIS Satellite Head, Mr. Oscar Madarang, at ng kanyang masisipag na staff ang bayanihan bilang bahagi ng mga gawain sa ilalim ng IMT Contract, katuwang ang pamamahala at paggabay ni Acting Division Manager, Engr. Enrique G. Carlos. Ang layunin nito ay hindi lamang ang mapanatili ang kaayusan ng sistema ng patubig, kundi tiyakin din na ang mga magsasaka ay magpapatuloy na makinabang sa mga benepisyo ng maayos na irigasyon.

Ang paglilinis ng irrigation canal ay nagbigay-daan upang mapabuti ang daloy ng tubig, maiwasan ang pagbaha at pagbara sa mga palayan, at magdulot ng mas mataas na produktibidad sa mga sakahan. Sa mas maayos na sistema ng irigasyon, tiyak na mas magiging matagumpay ang ani ng mga magsasaka, kaya't malaki ang naitutulong ng NIA sa kanila sa pagpapanatili ng agrikulturang sektor.

Ang bayanihan na ito ay patunay ng dedikasyon ng NIA sa pagtutok sa mga pangangailangan ng ating mga magsasaka at pagpapalakas ng ating mga Irrigators' Associations sa pamamagitan ng patuloy na pagtutulungan at sama-samang pagkilos.

#bayaNIAn sa #BagongPilipinas