Bayanihan sa Gawa: NBRIS Federation of Irrigators Associations, Kaagapay ng Komunidad sa Pagtulong!

"Hindi lang kami basta magsasaka—kami rin ay handang tumulong at magmalasakit sa aming kapwa, anumang pagsubok ang dumating. Ang aming trabaho ay hindi lamang sa bukid, kundi sa pagbibigay ng pag-asa at suporta sa aming komunidad."

— NBRIS Federation of Irrigators Associations

Sa diwa ng bayanihan at malasakit, pinangunahan ng Nayom Bayto RIS Federation of Irrigators Associations (NBRIS-FIA), sa pangunguna ng kanilang pangulo na si G. Mario E. Montalla, ang isang makabuluhang inisyatiba upang matulungan ang mga pamilyang naapektuhan ng sunog sa Poblacion South, Sta. Cruz, Zambales noong Pebrero 25, 2025.

Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos, naihatid sa 120 pamilyang lubos na naapektuhan ng trahedya ang mga pangunahing pangangailangan tulad ng bigas, tubig, damit, at iba pang mahahalagang suplay.

Ang trahedyang ito ay hindi lamang nagdulot ng pagkawala ng mga ari-arian kundi pati na rin ng tahanan at pangkabuhayan ng maraming pamilya. Kaya naman, hindi nagdalawang-isip ang 12 Irrigators Associations ng NBRIS na makiisa sa adhikaing ito—patunay na ang pagiging magsasaka ay higit pa sa pagtatanim ng palay. Ito rin ay tungkol sa pagtatanim ng malasakit, pagkakaisa, at pag-asa sa puso ng bawat isa.

Dahil ang tunay na pagtulong ay hindi nasusukat sa halaga ng donasyon kundi sa taos-pusong hangarin na makapagbigay ng liwanag sa gitna ng kadiliman, maraming salamat sa lahat ng sumuporta at nakiisa sa inisyatibang ito.

Mula sa bukirin hanggang sa bawat tahanan, ang ating pagtutulungan ay magbubunga ng mas matatag at mas maliwanag na kinabukasan para sa lahat.

Patuloy tayong magBayaNIAn para sa isang mas matibay at maunlad na komunidad!

#bayaNIAn  sa #BagongPilipinas