MURANG BIGAS SA HALAGANG P29 KADA KILO, BUMIDA SA TARLAC

Upang makapaghatid ng tulong sa mga residente ngayong panahon ng tag-ulan, bumida ang murang bigas na nagkakahalaga ng P29 kada kilo sa Lalawigan ng Tarlac. Ang distribusyon ng bigas sa NIA CAMRIS Covered Court at NIA TASMORIS area ay pinangunahan ni NIA Central Luzon Regional Manager Engr. Josephine B. Salazar noong Setyembre 3, 2024.

Katuwang sina Administrative and Finance Division Manager Rochelle R. Cervantes, Engineering and Operations Division Manager Engr. Christian C. Manalo, at Tarlac IMO Manager Engr. Alvin Roberto A. David, naging matagumpay ang pamamahagi ng murang bigas na alinsunod sa adhikain ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na makapaghatid ng abot-kaya ngunit de-kalidad na bigas sa mga pamilyang Pilipino.

Ang mga naibentang bigas ay ani ng mga magsasakang kabilang sa NIA Rice Contract Farming Program. Sa kabuuan, 400 sako ng bigas na may timbang na 10 kilo bawat isa ang naipamahagi sa halagang P290 kada sako. Mula rito, 200 sako ang inilaan para sa TASMORIS area at 200 sako naman para sa CAMRIS area. Ang hakbang na ito ay hindi lamang nagbigay ng sapat na suplay ng pagkain sa mga mamamayan kundi nagpataas din ng kita ng ating mga bayaning magsasaka.

#BagongPilipinas #NIAGearUp #bayaNIAn