NIA ZAMBALES IMO AT BSWM, MAGKASNGGA SA TAGUMPAY NG KAUNA-UNAHANG BALANCED FERTILIZATION DEMO FARM SA ZAMBALES.

Pebrero 4, 2025 — Bilang bahagi ng patuloy na inisyatiba para sa mas produktibong agrikultura, aktibong lumahok ang National Irrigation Administration (NIA) Zambales IMO sa assessment ng kauna-unahang Demo Farm sa Zambales na gumagamit ng Balanced Fertilization Program ng Bureau of Soils and Water Management (BSWM).

Napili ang nasabing lugar bilang pangunahing lokasyon ng demo farm dahil sa sapat at tuluy-tuloy na suplay ng tubig-irigasyon, na isang mahalagang salik sa tagumpay ng eksperimento.

Sa isinagawang assessment, ipinahayag ng BSWM ang kanilang pasasalamat sa NIA Zambales IMO sa maayos na pamamahala ng irigasyon sa lugar. Ang tuloy-tuloy na daloy ng tubig ang naging pangunahing dahilan kung bakit naging matagumpay ang proyekto, kung saan matagumpay na naitanim ang palay sa kabuuang 100 ektaryang sakahan na sakop ng tatlong Irrigators Associations (IAs) ng NBRIS. Ang ani ay nakatakda nang anihin sa darating na Marso 2025.

Ang Balanced Fertilization Program ay isang estratehiya na naglalayong mapabuti ang ani at mapanatili ang kalusugan ng lupa sa pamamagitan ng tamang kombinasyon ng organiko, inorganiko, at biofertilizer na pataba. Sa ganitong paraan, mas natutugunan ang nutrisyunal na pangangailangan ng pananim habang naiiwasan ang sobrang paggamit ng kemikal na maaaring makapinsala sa lupa sa katagalan.

Sa pamamagitan ng matagumpay na implementasyon ng programang ito, umaasa ang BSWM at NIA na mas maraming magsasaka ang mahihikayat na gumamit ng balanseng paraan ng pagpapabunga upang mapataas ang kanilang ani at mapanatili ang matabang lupa sa mga susunod pang taon. Ang pagpapatuloy ng maayos na sistema ng patubig ay magiging mahalagang bahagi ng pagpapatupad ng mga ganitong inobasyon sa agrikultura sa lalawigan ng Zambales.

#bayaNIAn sa #BagongPilipinas